Sa isang pagpapamalas ng kanilang bersyon ng people power, binutas ng mga ito ang lupang dike na nagkukulong sa tubig palaisdaan at muli ay hinayaan itong umagos pabalik sa kanyang daluyan, patungo sa ilog Binulusan.
Hindi na umano nakuhang pumalag ng mga tauhan ng Asistio na nagbabantay sa nasabing palaisdaan nang bigla na lamang bumulaga sa palaisdaan ang sangkaterbang mga tao na pawang may dalang pala, bareta at ibat-ibang uri ng panghukay ng putik at sa loob lamang ng halos isang oras ay tuluyan nang nabutas ang nakaharang na lupang dike sa palaisdaan.
Sinasabing si Asistio, kilalang malapit na kaibigan ni dating Pangulong Joseph Estrada ay nag-apply noong nakaraang taon ng Fishpond Leasehold Agreement (FLA) para sa nasabing palaisdaan.
Subalit kahit hindi pa naaaprubahan ang FLA application ay iniutos na umano nito sa kanyang mga tauhan ang pagwasak ng malalaking puno ng bakawan sa nasabing palaisdaan na walang kaukulang permiso mula sa DENR.
Ito ang naging dahilan upang sumiklab ang galit ng mga taga-Infanta dahil anilay ang bakawang winasak ang siyang pinagkukunan nila ng pang-araw-araw na ikinabubuhay, lalo na kapag hindi sila nakakapalaot para mangisda dahil sa masama ang panahon.
Sa kabilang banda, inihayag naman ni Atty. Santos, umanoy counsel ni Asistio na nakatakdang sampahan ng kaso ang may 45 na rallyist na kabilang sa bumaklas sa naturang palaisdaan. (Ulat ni Tony Sandoval)