Ito ay mariing ipinag-utos kahapon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa Department of Labor and Employment (DOLE) kasabay nang pagsasabing dapat nang magsagawa ng puspusang kampanya laban sa Muro-ami, isang ilegal na sistema ng pangingisda na karaniwang ginagamit ay mga kabataan.
Ang direktiba ay pinalabas ng Pangulo matapos tumanggap ng sumbong na hindi pa nasasawata ang Muro-ami lalo na sa Mindanao.
Sa isang pakikipagpulong sa mga kinatawan ng ibat-ibang ahensiyang sangkot sa Global March Against Child Labor sa Malacañang, nabatid ng Pangulo na may 35 mangingisda na karamihan ay mga kabataan ang tumakas sa isang barkong pangisda ng Unity Fishing Corp. na nakabase sa Dauin, Negros Oriental dahil hindi na nila matiis ang pagmamaltrato laban sa kanila.
Ang mga kabataang ginagamit sa Muro- ami ay kinabibilangan nina Edgar Blazain, Ricky Iballe, Benny Cahente, Jerry Dinapo, Ricson Bilonta, Renate Caculi, Jomas Lastimoso, Jaime Lastimoso, Joel Lastimoso at Danny Lastimoso na pawang mga residente ng Sta. Catalina at Bindoy sa Negros Oriental.
Ang mga batang ito na tumakas sa kanilang amo ay kasalukuyang nasa pangangalaga ng mga opisyal ng Puerto Princesa.
Ang 25 pa nilang kasamahan ay nasa Barangay Caruray sa San Vicente, anim na oras ang paglalakbay sa bangka mula sa Puerto Princesa.
Sinabi ng Pangulo na ang DOLE ay tutulungan ng Department of Interior and Local Government at lokal na pulisya sa isasagawang malawakang kampanya laban sa Muro-ami at iba pang uri ng ilegal na aktibidad na nagsasangkot sa mga batang menor-de-edad.
Sinabi pa ng Pangulo na kailangang masampahan ng kaukulang demanda ang mga may-ari ng Unity Fishing Corp. at tutukan ang kaso ng mga inatasan niyang ahensiya ng pamahalaan sa pamumuno ng DOLE. (Ulat ni Lilia Tolentino)