Van vs traktora: 2 Kano, 1 pa patay

CALAMBA, Laguna – Tatlo katao, kabilang dito ang dalawang American national ang kumpirmadong nasawi, habang limang iba pa ang malubhang nasugatan makaraang bumangga sa isang traktora ang kanilang sinasakyan sa kahabaan ng national highway sa Brgy. Tulo, dito, kamakalawa.

Sa inisyal na ulat ng Calamba Police Station, nakilala ang mga nasawi na sina Sani de Castro at ang dalawang pasahero nitong Amerikano na sina De Morah Donadio at Heather Lindsay, kapwa bakasyunista.

Namatay noon din ang tatlong biktima dahil sa tindi ng pagkabangga ng sinasakyan nilang L-300 van sa naturang traktora na dala naman ni Ronaldo Seprado.

Lumabas sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya na naganap ang insidente dakong ala-1 ng hapon habang ang mga nasawi ay patungo sa Calamba.

Binabagtas ng naturang sasakyan ng mga biktima ang kahabaan ng Brgy. Tulo nang bigla na lamang tumawid sa kabilang kalye ang traktora na dito bumangga ang sasakyan ng mga biktima.

Isang Isuzu Elf na may plakang UNX-338 na minamaneho ni Alex Liqui ang nahagip din sa naganap na banggaan. Limang mga sakay nito ang iniulat na nasugatan.

Masusing iniimbestigahan ng mga awtoridad ang driver sa himpilan ng pulisya. (Ulat ni Ed Amoroso)

Show comments