Ang nasawing biktima na nagtamo ng mga tama ng saksak sa ibat ibang bahagi ng katawan ay nakilalang si Ricardo Peni, 28, samantalang tumakas naman matapos ang isinagawang krimen ang suspect na kapatid ng nasawi na nakilalang si Rodante Peni.
Ayon sa isinagawang imbestigasyon nina SPO2 Danilo de Guzman at SPO1 Tirso Acleta, dakong alas-8:30 ng gabi ay nag-iinuman ang magkapatid kasama ang iba pa nilang kaibigan.
Nang malasing ay pinagtalunan ng magkapatid ang tungkol sa pagkakaupo ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo . Iginiit umano ng matandang Peni na may batayan si Arroyo sa pagkakaupo, gayunman mahigpit itong kinontra ng suspect.
Lalong uminit ang pagtatalo ng dalawa na nagpalitan ng kanya-kanyang paliwanag hanggang sa mapikon ang suspect at binunot ang dalang patalim sa bulsa at saka inundayan ng sunud-sunod na saksak ang kanyang kuya at pagdakay mabilis na tumakas. (Ulat ni Tony Sandoval)