Kinilala ni Supt. Ferdinand Santos, hepe ng pulisya sa bayang nabanggit ang biktimang pulis na si PO3 Delfin Macario.
Sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-11 ng gabi sa kahabaan ng Banyag Floodway Road, Brgy. San Juan, Taytay. Sakay si Macario sa kanyang Toyota Corolla patungo sa direksyon ng Angono, Rizal nang harangin ng tatlong sasakyan na walang plaka.
Dito lumabas ang pitong lalaki na pawang armado ng mga baril at agad na tinutukan ang pulis. Inutusan ng mga suspect si Macario na lumabas ng sasakyan at nang mabatid na ito ay pulis ay tuluyan itong binugbog.
Bukod dito, tuluyang kinuha ng mga suspect ang salapit alahas at service firearm ng biktima na isang 9mm at isang M-16 baby armalite.
Makaraang umalis ang mga suspect, agad namang tinulungan ng mga residente sa naturang lugar ang pulis at isinugod sa Ryan Anthony Hospital.
Kasalukuyan namang nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya patungkol sa tunay na motibo ng mga suspect dahil sa nagtataka sila kung bakit organisado ang naturang insidente.
Sinabi naman ng mga residente na nagkaroon umano ng habulan sa pagitan ng sasakyan ng mga suspect at ng kotse ni Macario bago ito tuluyang naabutan sa naturang lugar. (Ulat ni Danilo Garcia)