Magkapatid patay sa aksidente

LABO, Camarines Norte – Hindi na nagawa pang makapag-almusal ng magkapatid matapos silang mabangga at mapatay ng isang rumaragasang sasakyan habang ang dalawa ay naglalakad sa tabi ng kalsada para bumili ng pang-almusal sa Sitio Naboongan, Brgy. Daguit, ng nasabing bayan, kamakalawa ng umaga.

Nakilala ang magkapatid na patay na bago pa umabot sa pagamutan ay nakilalang sina Blenda Eloson, 11 at Leomar, 7.

Ang dalawa ay nabatid na inutusan ng kanilang ama na si Leonardo na bumili ng bigas at pagkain sa tindahan. Habang naglalakad ang mga ito sa gilid ng daan isang puting kotse na may plakang USR- 569 na minamaneho ni Myra Mirandilla, 29, ang sinasabing nawalan ng kontrol habang binabagtas ang kahabaan ng Maharlika Highway at bumangga sa magkapatid.

Batay sa pahayag ng suspect, sinabi nito na isang kasalubong na sasakyan ang kanyang iniwasan at pagkabig niya sa kaliwa ng manibela ay doon niya nabangga ang mga biktima.

Ayon sa pulisya ang batang si Blenda ay nakaladkad ng kotse, habang si Leomar naman ay tumilapon sa lakas ng pagkabundol. (Ulat nina Francis Elevado at Ed Casulla)

Show comments