Sundalong nagreklamo sa usok ng sigarilyo, binoga ng kabaro

Dahil lamang sa pagrereklamo sa mabahong usok ng sigarilyo, pinagbabaril hanggang sa mapatay ng isang Army Sgt. ang kapwa nito sundalo na katabi niya sa isang pampasaherong bus sa Mallig, Isabela, ayon sa ulat kahapon.

Hindi na umabot pang buhay sa pagamutan ang biktimang nakilalang si Pfc. Wilson Leal, miyembro ng 50th Infantry Battalion (IB) ng Phil. Army.

Agad namang naaresto ng mga nagrespondeng tauhan ng pulisya ang suspect na nakilala namang si Sgt. Nestor Dacuna ng 17th Infantry Battalion ilang oras matapos ang isinagawang krimen.

Batay sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Aguinaldo, ang insidente ay naganap dakong alas-11 ng tanghali sa loob ng St. Agustin bus na kapwa kinalululanan ng biktima at ng suspect na magkatabi pa sa upuan.

Nabatid na kasalukuyang binabagtas ng bus ang highway sa Barangay Casili, Mallig ng nasabing lalawigan patungong Tuguegarao City nang bigla umanong mairita ang suspect sa biktima matapos na ireklamo ng huli ang paninigarilyo ng una sa loob ng pampublikong sasakyan.

Binanggit pa sa ulat na nakainom ng alak noon ang suspect at walang tigil sa pagbuga ng usok buhat sa kanyang sigarilyo.

Hindi na nakatiis ang biktima at nagreklamo sa suspect. Nabuwisit naman ang suspect at ang ginawa ay pinapara ang sasakyan at saka bumaba.

Gayunman, bago pa tuluyang makatakbong muli ang bus ay tumapat ito sa kinalalagyan ng biktima at saka binaril nang malapitan buhat sa ibaba.

Napuruhan ang biktima ng tama ng baril sa ulo na naging dahilan ng agaran nitong kamatayan.

Mabilis namang tumakas at nagtago ang suspect subalit natunton din siya ng mga awtoridad.

Ang suspect ay nakapiit ngayon sa detencion cell ng Mallig Municipal Police Station. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments