Broadcaster patay sa ambush

Inambush at napatay ng hindi pa nakikilalang mga armadong suspect ang program director ng Radio Mindanao Network habang lulan ng kaniyang motorsiklo sa Bagto, Liso sa lalawigan ng Aklan kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang biktimang si Roland Oreta, isang sikat na broadcaster ng nasabing himpilan.

Batay sa report na nakalap ng PSN buhat sa AFP Visayas Command na nakabase sa Mactan, Cebu City, ang insidente ay naganap dakong alas-9:45 kamakalawa ng gabi.

Ang biktima ay nagtamo ng mga tama ng baril sa dibdib at tiyan na siya nitong agarang ikinasawi.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, bigla na lamang umanong pinaulanan ng punglo ng mga nag-aabang na salarin na nakakubli sa madilim na bahagi ng nasabing lugar ang walang kamalay-malay na biktima sa nakaambang kamatayan.

Hinihinala naman ng mga awtoridad na nagawa pang makatakbo ng biktima dahil sa nakitang mga bakas ng dugo na nagkalat sa pinangyarihan ng krimen subali’t hinabol pa ito ng mga suspect at sinigurong wala na itong buhay.

Sa pahayag naman sa mga awtoridad ng asawa ng biktimang kinilalang si Emily, may ilang death threats na natanggap ang kaniyang asawa tatlong buwan na ang nakalilipas subali’t wala siyang nalalaman na kaaway nito. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments