P5.28M puslit na bigas nasabat

Nakumpiska ng pinagsanib na elemento ng AFP Visayas Command, Presidential Anti-Organized Crime Task Force (PAOCTF) at Bureau of Customs ang apat na libong sako ng puslit na bigas na nagkakahalaga ng P 5.28 milyon sa isinagawang operasyon sa pantalan ng Pilar, Sorsogon.

Sa ulat na ipinarating kahapon ni AFP Visayas Command Chief Rear Admiral Napoleon Baylon sa Camp Aguinaldo, dakong alas-7:30 ng umaga ng magsagawa ng inspeksyon ang mga operatiba ng pamahalaan at nasamsam ang nasabing mga kargamento sa nasabing pantalan.

Napag-alaman na walang kaukulang dokumento ang mga libong sako ng bigas na nadiskubreng lulan ng nakadaong na M/V Christian.

Gayunman, hindi pa matukoy ang may-ari ng nasamsam na mga kontrabando.

Ayon sa ulat, nakatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad hinggil sa pagdaong sa pier ng Pilar ng M/V Christian na umano’g naglalaman ng pinaniniwalaang ilegal na mga kontrabando.

Kaagad na nagsagawa ng operasyon ang mga awtoridad at nasamsam ang mga puslit na bigas.

Kasalukuyang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga tauhan ng BOC upang matukoy kung sino ang tunay na may-ari ng mga puslit na kontrabando. (Ulat ni Joy Cantos )

Show comments