Ang panawagan ni Madrigal ay isinagawa sa harap ng may 8,000 bata at estudyante ng nasabing bayan sa ginanap na rally doon kaugnay sa "total war" ng illegal drugs.
Ayon kay Madrigal, umaabot na sa 7 porsyento ng mga Pinoy na nagkakaedad ng 15 hanggang 29 ang drug dependent o gumagamit ng ilegal na droga base sa huling statistics ng National Youth Commission.
Ang mga kabataang ito, aniya ay kabilang sa may 1.7 milyong Pilipino na nalulong na sa mga ilegal na droga gaya ng shabu,cocaine at mumurahing solvents katulad ng rugby na kadalasang ginagamit at sinisinghot ng mga batang kalye o street children.
"Ang problema natin sa droga ay hindi lamang para sa pulisya. Ang problema sa droga ay para sa concern ng lahat. Tulungan natin ang pamahalaan at ating law enforcers na sugpuin ang kriminalidad na dulot ng droga," anang Palace adviser sa rally na dinaluhan ni San Fernando Mayor Rey Aquino.
Pinasalamatan naman ni Madrigal si Chief Supt. Jewel Canson, Hepe ng National Drug Law Enforcement and Prevention Coordination Center dahil sa pagtatatag ng Bagong Buhay rehabilitation center, isang drug rehab center para sa mga menor-de-edad. ( Ulat ni Andi Garcia)