Marcos sa pagsadsad ng piso kontra dolyar: ‘Don’t panic’
MANILA, Philippines — Pinakalma ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang publiko at at sinabing “don’t panic” matapos sumadsad ang halaga ng piso kontra sa dolyar sa kasaysayan ng bansa.
Ito ang sinabi ng pangulo sa isang ambush interview sa kanyang pagbisita sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City para sa paggunita ng 32nd National Correctional Consciousness Week.
Giit pa ni Marcos, gagawin ng pamahalaan ang lahat ng posibleng hakbang para depensahan ang halaga ng piso kontra dolyar.
Mayroon din sapat na kagamitan at paraan ang pamahalaan para maprotekhana ang piso at mapigilan ang patuloy na paghina nito lalo na sa paghahambing sa dolyar sa Estados Unidos matapos na bumagsak sa pinakamababang antas na P64.18 kada US$1 na mas mahina sa naunang record low na P64.17 kada dolyar.
Iniuugnay ang paghina ng piso sa patuloy na pagtaaas ng presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado dahil sa krisis sa Middle East at ang paghina ng piso ay dulot ng mataas na presyo ng langis at mga produktong petrolyo.
Siniguro naman ni Pangulong Marcos sa publiko na patuloy na kikilos ang pamahalaan para mapanatili ang halaga ng piso at mabawasan ang epekto ng malakas na dolyar sa ekonomiya ng bansa.
Tiniyak din ni Marcos na matatag ang reserbang dolyar ng Pilipinas para depensahan ang piso at ito ang ginagamit ng pamahalaan para makatulong sa pagdepensa sa piso kontra dolyar.
- Latest

















