Taas-pasahe sa PUVs ipatutupad – DOTr

Dahil sa halos P10 oil price hike
MANILA, Philippines — Ikakasa ng Department of Transportation (DOTr) ang posibleng taas-pasahe sa mga pampasaherong sasakyan dahil sa inaasahang pagsipa ng presyo ng diesel sa halos P10 kada litro.
Ayon sa DOTr, ang ahensiya at ibang tanggapan ng gobyerno na nasa ilalim ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) Committee ay nakipagpulong na kay Executive Secretary Ralph Recto para talakayin ang kaukulang mga hakbang na makakatulong na maibsan ang impact ng taas-presyo ng petrolyo at operating costs ng transport sector.
“The proposed fare adjustment for public utility vehicles was among the matters discussed, and we hope to arrive at a positive decision in the coming days,” ayon sa DOTr.
Bukod sa posibleng fare adjustment, nais din ng DOTr na magsagawa ng isa pang targeted assistance sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development’s (DSWD) Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program na ekslusibong ipagkakaloob sa mga qualified transport operators at drivers upang makatulong sa kanilang mga gastusin.
Ang pahayag ng DOTr ay ginawa habang naka-pending sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang fare hike petitions ng transport groups.
Binigyan ng taning ng DOTr ang LTFRB na madesisyunan ang petisyon ngayong buwan ng Oktubre.
Nais ng transport groups na magpatupad ang LTFRB ng P1 hanggang P2 provisional fare increase sa pasahe dahil sa patuloy na taas-presyo ng petrolyo.
- Latest




















