Guro bugbog sarado sa 2 estudyante

Sinita ang suot na hikaw…
MANILA, Philippines — Bugbog sarado ang isang 55-anyos na guro ng magkapatid na estudyante na nagalit sa ginawang paninita nito sa pagsusuot ng hikaw habang papasok sa silid-aralan sa Maco, Davao de Oro, nitong Lunes.
Sa ulat ng Davao de Oro Police, dumulog sa himpilan ng pulisya ang lalaking guro at inireklamo ang magkapatid na estudyante ng Elizalde National High School.
Sa imbestigasyon, nangyari ang insidente sa loob ng Elizalde National High School sa bayang ito habang recess ang mga estudyante.
Kasalukuyang nasa gymnasium ng paaralan ang mga estudyante nang pagsabihan ng biktima ang kaniyang mga estudyante na magbalik na sa kanilang silid-aralan.
Habang pinagsasabihan ang mga estudyante ay napuna ng guro na isang lalaking Grade 10 student ang nakasuot ng hikaw na bawal sa polisiya ng eskuwelahan kaya’t nagalit ito.
Sinubukang suntukin ng nasabing estudyante ang guro pero naawat ito ng mga kamag-aral at habang nakatalikod ang guro ay may biglang sumuntok dito ang kapatid ng sinaway na mag-aaral.
Dito na bumuwelo ang sinaway na magkapatid at pinagtulungan na nilang pagsusuntukin ang guro na natumba sa insidente.
Nagtamo ng mga sugat sa katawan ang guro bunga ng insidente habang nagsitakbuhan ang mga estudyanteng nanuntok sa guro.
Idinulog na ang kasong ito sa Municipal Social Welfare and Development dahilan kapwa menor-de- edad ang mga estudyanteng sangkot sa pananakit sa naturang titser.
- Latest

















