Paglilitis vs VP Sara kasado na!

11 prosecutors ng Kamara ‘full force’
MANILA, Philippines — Buong puwersa ang 11-member prosecutors ng Kamara de Representantes na dadalo sa pagbubukas ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte bukas (Mayo 18) sa Senado sa pagko-convene nito bilang impeachment court.
Ito ang inihayag ni House Committee on Public Accounts Chairman Terry Ridon, miyembro ng Prosecution team ng Kamara.
Ayon kay Ridon dapat kilalanin ng bagong liderato ng Senado ang 257 boto ng Kamara na mandato na dapat simulan ang paglilitis ‘forthwith’.
Sinabi ni Ridon na ang mga House prosecutors ay inaasahang dadalo sa Senado sa ganap na alas-3 ng hapon upang saksihan ang pagbubukas ng proseso.
“Yung kabuuan po ng 11-person House prosecution panel ay pupunta po sa Senado, sa alas tres ng hapon, May 18, para saksihan po ‘yung pagbubukas ng Senate impeachment court,” ani Ridon sa News Forum sa Dapo Restaurant sa Quezon City.
Binigyang diin ni Ridon na ang kumpletong attendance ng House prosecutors ay ceremonial lamang pero sumasalamin ito sa kanilang pagnanais na gumulong ang impeachment trial sa Senado bilang bahagi ng konstitusyonal na estado.
“Ano ho yung dahilan bakit ho kami pupunta ‘ron? Una paggalang po sa Senado, pangalawa paggalang po doon sa proseso na itinatadhana po ng Constitution po mismo,” ani Ridon.
Idinagdag pa nito na umaasa ang House prosecution team na gugulong na sa wakas ang full trial sa Bise Presidente.
- Latest


















