Leviste, kinastigo ng 2 pang lider ng Kamara

MANILA, Philippines — Dalawa pang lider ng Kamara ang kumastigo kay Batangas 1st District Rep. Leandro Legarda Leviste kaugnay ng alegasyon nito sa mga kasamahang Kongresista na lahat umano ay sangkot sa isyu ng vote buying.
Ito ay kaugnay ng privilege speech ni Leviste kamakailan kung saan nagsanga-sanga na ang akusasyon nito na maging ang mga kasamahan nitong Kongresista ay inakusahan ng vote buying kasunod naman ng pagbira nito kay Executive Secretary (ES) Ralph Recto at Batangas Gov. Vilma Santos -Recto.
Sinabi nina Deputy Speakers Rep. Paolo Ortega V (La Union 1st District) at Zambales Rep. Jay Khonghun (Zambales 1st District) walang pakundangang binira ni Leviste ang mga kasamahan nitong mambabatas sa plenaryo ng Kamara pero wala naman pala itong ebidensya at haka-haka lamang ang pinagsasabi.
“Privilege is given to members so we can speak truth with courage, not so we can weaponize the floor for rumors, innuendo and baseless accusations,” ani Ortega.
“What Rep. Leviste did was unparliamentary. Hindi porket congressman ka, puwede ka nang manglait, magparatang at mandamay ng buong institusyon nang walang hawak na ebidensiya,” git pa ni Khonghun.
Una nang kinuwestiyon nina Deputy Speaker at Quezon Rep. David “Jay Jay” Suarez at Mamamayang Liberal (ML) Partylist Rep. Leila de Lima si Leviste sa pamumulitika umano nito sa plenaryo kung saan na-offend sila sa paratang na vote buying. Habang maging si Leyte 4th District Rep. Richard Gomez ay muntik ng nasapak si Leviste kung hindi lamang ito nakapagpigil sa sarili, ayon na rin sa salaysay ni Iloilo Rep. Janet Garin.
- Latest

















