Marcoleta nawala sa hulog - Ping
MANILA, Philippines — Inihayag ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson na nawala sa ‘hulog’ si Senator Rodante Marcoleta at binago ito ng panahon.
Ang pahayag ay ginawa ni Lacson sa lingguhang Kapihan sa Senado matapos matanong tungkol sa sinabi ni Marcoleta kamakalawa na nawala ang paghanga niya sa dating hepe ng Philippine National Police (PNP) na pumalit sa kanya bilang chairman ng Senate Blue Ribbon Committee na nag-imbestiga sa maanomalyang flood control projects.
Magugunita na sa pagtayo kamakalawa ni Marcoleta sa plenaryo matapos ang talumpati ni Lacson tungkol sa partial na report ng komite sa isinagawang imbestigasyon ay inamin nito na matagal na niyang hinahangaan si Lacson simula nang siya ay maging hepe ng PNP pero nagbago na aniya ang senador.
Pinabulaanan naman ni Lacson na siya ay nagbago at sinasabing siya ay consistent simula nang siya ay magserbisyo sa publiko at si Marcoleta ang nagbago dahil nawala ito sa hulog.
Naniniwala rin si Lacson na ang pinagmumulan ng kanilang alitan ni Marcoleta ay maaaring dahil sa kawalan niya ng kakayahang tanggapin ang katotohanan na siya ay pinalitan bilang chairman ng Senate Blue Ribbon Committee.
Gayunpaman, sinabi ni Lacson na umaasa siyang magiging magkaibigan muli sila ni Marcoleta.
- Latest



















