Tandem umiwas sa ‘Oplan Sita’ nasukol sa baril, granada at droga

MANILA, Philippines — Arestado ang dalawang lalaking magkaangkas sa motorsiklo nang umiwas sa “Oplan Sita” ng PNP at makabangga ng isa pang motorsiklo nang mabuking na may dalang mga baril, granada at iligal na droga sa Pasig City, Biyernes ng hapon.
Kinilala ni Pasig City Police Chief, P/Colonel Hendrix Mangaldan ang mga suspek na sina alyas “Christian”, at alyas “Dexter”, kapwa residente ng Western Bicutan, Taguig City.
Dakong alas-1:45 ng hapon ng Mayo 1 nang arestuhin ang dalawa sa panulukan ng Brixton at Reliance Sts., Brgy. Kapitolyo, Pasig City.
Sa imbestigasyon, habang nagsasagawa ng anti-criminality campaign sa ipinatutupad na Enhanced Managing Police Operations (EMPO) at Oplan Sita nang mamataan ng Ortigas Police Sub-Station at Tactical Motorcycle Riding Unit kasama ang mga tauhan ng Barangay Security Force ng Brgy. Kapitolyo, ang riding-in-tandem sa blue na Yamaha Aerox, na umiiwas kaya hinabol, na nauwi sa pagkabangga nito sa isang motorsiklo.
Natumba ang motorsiklo ng mga suspek kaya nakorner sila at nasamsam ang isang kalibre .45, isang kalibre .22, isang hand grenade, at 3 plastic sachet na may 15 gramo ng hinihinalang shabu.
- Latest















