41 Pinay, 7 dayuhan inaresto sa ‘love scam’

MANILA, Philippines — Inaresto ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang 41 Pinay at pitong dayuhan na sangkot sa iligal na pagpapatakbo ng online “Love Scamming”, Pig Butchering” at “Cryptocurrency Investment Fraud” sa isang entrapment operation sa isang condominium sa Parañaque City.
Sinalakay ng NBI-Special Action Unit (NBI-SAU) ang online scam hub, na mala-call center office ang set-up nang mapatunayan sa isinagawang validation ang iligal na gawain, gamit ang Warrant to Search, Seize, and Examine Computer Data (WSSECD).
Nadatnan ng mga ahente ng NBI-SAU sa ilang condominium units ang maraming computer workstations, laptops, mobile phones, internet routers, at iba pang digital devices, na katulad ng set-up ng lehitimong call center.
Sa pagsusuri ng computer units, natukoy ang mga nakahandang scripts sa digital files—ang step by step na susundin ng scam agent sa pakikipag-usap at panghihimok sa potensyal na mga biktima, para sa modus-operandi.
Gumagamit ang scam agent ng mapanlinlang na pagpapakilala, emosyonal na manipulasyon upang makuha ang tiwala ng mga biktima, gamit ng pekeng profiles at pagkukunwaring naghahanap ng romantic relationships.
Kapag nahulog na ang loob ng biktima, sisimulan itong himukin na magpadala ng pera sa pamamagitan ng gawa-gawang senaryo tulad ng financial emergency, investment opportunities at kagyat na personal na pangangailangan.
- Latest















