Grade 4 na pinurga ng guro, dedo
Sa loob ng paaralan…
MANILA, Philippines — Humihingi ng hustisya ang pamilya ng isang Grade 4 pupil matapos itong pumanaw kasunod ng umano’y pagpapainom sa kanya ng gamot na pampurga (deworming) ng kanyang titser.
Ayon sa ina ng biktimang si Rex Mission, 8-anyos, Grade 4 pupil ng Hugo Perez Elementary School Annex sa Trece Martires City, Cavite na noong Hulyo 2, 2026 ay nagkaroon umano ng “free purga” sa eskwelahan bilang bahagi ng school deworming program.
Bagama’t pumirma sila sa waiver para sa naturang programa ay nagtataka sila kung bakit ang mismong guro ang nagbigay ng gamot sa bata, gayong sa mga nakaraang taon ay ang mga magulang ang nagpapainom nito sa kanilang mga anak.
Pag-uwi ni Rex sa kanilang bahay ay dumaing ito matinding pananakit ng ulo, tiyan at paulit-ulit na pagsusuka.
Nang tanungin ng kanyang ina kung ano ang nangyari ay sinabi ng bata na pinainom siya ng kanyang class adviser ng gamot na pampapurga.
Mabilis ding tumaas ang lagnat ng biktima at nagdugo rin ang ilong nito at isinugod sa pagamutan, ngunit kinabukasan, Hulyo 3 ay tuluyan na itong binawian ng buhay.
Sinisisi ng ina ang gurong nagpainom ng gamot dahil batid umano nitong may iniindang karamdaman ang bata ngunit itinuloy pa rin ang pagpapainom ng pampapurga.
Humiling ang pamilya sa National Bureau of Investigation (NBI) na maisailalim sa autopsy ang labi ng bata upang matukoy ang tunay na sanhi ng pagkamatay at mapanagot ang may kagagawan.
- Latest















