Food vlogger tepok sa kinaing ‘devil crab’

MANILA, Philippines — Isang babaeng food vlogger ang nasawi makaraang kumain ng nakalalasong “devil crab” sa lalawigan ng Puerto Princesa, Palawan, ayon sa ulat kahapon.
Kinilala ang nasawing vlogger na si Emma Amit, 51, na nag-vlog sa kaniyang social media account noong Pebrero 4,2026 kung paano niluto sa gata ang mga “devil crab” at nang maluto ay nakangiti pang kinakain kung saan ay nasa 30,000 views ng mga sandaling iyon.
Gayunman, pag-uwi nito sa bahay ay sumama na ang pakiramdam nito hanggang sa hinimatay matapos na pumasok ang toxins sa kaniyang dugo at dinala sa ospital.
Bago ito ay nanghuli ng shellfish si Amit kasama ang kaniyang mga kaibigan sa may bakawan kung saan nakuha ang nasabing “devil crab” noong nakaraang linggo.
Matapos ang dalawang araw na pananatili sa ospital ay binawian na ng buhay si Amit.
Batay sa mga ulat, nakain ng vlogger ang isang uri ng alimango—ang devil crab—na may lason at nakamamatay.
Nang puntahan ng mga opisyal ng barangay, nakita pa sa bahay ni Amit ang mga shell ng devil crab kasama ng mga basura.
Kaugnay nito, pinaalalahanan ng mga awtoridad ang mga residente na iwasang kumain ng hindi nila kilalang uri ng lamang-dagat upang makaiwas sa kapahamakan.
Nanawagan naman ang mga lokal na opisyal lalo na sa mga vlogger na huwag ipakipagsapalaran ang kanilang buhay para lamang magka-content sa kanilang mga ipinoposte sa social media para lamang makakuha ng maraming views.
- Latest

















