Basilan RTC Judge, todas sa ambush

MANILA, Philippines — Isang Basilan RTC judge ang nasawi nang ito ay pagbabarilin ng riding-in-tandem sa naganap na ambush nitong Huwebes ng umaga sa Zamboanga City.
Ang biktimang nasawi dahil sa tinamong anim na bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ay kinilalang si Judge Joseph Wee Sit ng Regional Trial Court Branch 2, Isabela City, Basilan, residente ng Justina Village, Brgy. Putik, Zamboanga City.
Sa report ng Zamboanga City Police, kasalukuyang nasa loob ng kaniyang sasakyan ang biktima at binabagtas ang kahabaan ng Tumaga-Putik Road, Barangay Tumaga pasado alas-5:25 ng madaling araw nang ito ay pagbabarilin ng dalawang suspek na sakay ng isang motortsiklo.
Nang masiguradong patay na ang biktima ay mabilis na nagsitakas ang mga salarin.
Nabatid na si Sit ay may mga hinahawakang high profile cases na isa sa sinisilip ng mga otoridad na motibo sa pananambang sa hukom.
Kaugnay nito bumuo na ang Zamboanga City Police ng Special Investigation Task Group (SITG) upang imbestigahan ang kaso at mabigyan ng hustisya ang pamilya ng pinaslang.
- Latest




















