Plane crash sa Tarlac: 2 todas!

MANILA, Philippines — Dalawa katao na kinabibilangan ng isang bagitong piloto at isang babae ang kumpirmadong patay matapos na bumagsak ang sinasakyang ultralight plane sa isang malawak na palayan sa Barangay Panalicsican, Concepcion, Tarlac nitong Sabado ng umaga.
Tinukoy ng mga awtoridad ang mga biktima na isang 19-anyos na lalaking piloto, residente ng Brgy. Duquit, Mabalacat
City, Pampanga, at isang 18-anyos na babae na taga-Macabebe, Pampanga.
Sa inisyal na ulat ng Tarlac Police, maagang umalis ang nasabing maliit na eroplano sa Magalang, Pampanga ng nasabing araw at nangyari ang plane crash bandang alas-11 ng umaga kahapon.
Nabatid na nakita ng mga residente at mga obre-ro na naggagawa ng daan ang maliit na eroplano na kulay yellow at may tatak na RP S2772 habang mabilis na umiikot pababa na tila nawalan ng kontrol ang piloto hanggang sa mag-crash ito sa gitna ng palayan.
Mabilis na nagresponde sa crash site ang emergency responders ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO). Dalawang indibiduwal ang kanilang natagpuan nakaipit pa sa wasak na wasak na eroplano. Nang mahugot ang kanilang katawan, agad na dinala ang dalawang biktima sa Concepcion District Hos-pital pero kapwa idineklarang dead-on-arrival.
Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), sa koordinasyon ng local government officials, sa insidente upang mabatid ang sanhi ng pagbagsak ng light plane kung ito ay dahil sa mechanical issues, pilot error, o weather-related factors.
- Latest















