Adjusted mall hours sa NCR, simula November 17

MANILA, Philippines — Bilang paghahanda sa inaasahang mas mabigat na daloy ng trapiko ngayong holiday season ay inanunsiyo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang adjusted mall hours sa National Capital Region (NCR).
Simula Nobyembre 17 ang mga mall sa Metro Manila ay magbubukas na ng alas-11:00 ng umaga at magsasara ng alas-11:00 ng gabi.
Ayon kay MMDA Chairperson Don Artes, epektibo ito mula Lunes hanggang Biyernes at hindi sakop ang weekends at holidays, hanggang Disyembre 25.
Papayagan naman ang mga mall delivery mula alas-11:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng madaling-araw para maiwasan ang pagsisikip ng mga kalsada.
Nilinaw rin ng MMDA na ang mga mall-wide sale ay maaari lamang isagawa tuwing weekends, bilang bahagi ng mga hakbang para mapagaan ang trapiko sa Metro Manila sa panahon ng Kapaskuhan.
- Latest






















