2 barko ng China nagbanggaan

MANILA, Philippines — Iniulat kahapon ng Philippine Coast Guard (PCG) na bumangga ang barko ng China Coast Guard (CCG) sa isang warship ng People’s Liberation Army (PLA Navy) sa karagatang sakop ng Bajo de Masinloc.
Ayon kay PCG Spokesperson Jay Tarriela, nangyari ang insidente bandang 10.5 nautical miles silangan ng Bajo de Masinloc habang hinahabol ng CCG vessel 3104 ang BRP Suluan.
Sa gitna ng habulan, tinangkang magmaniobra ng CCG mula sa starboard quarter ng barko ng PCG ngunit bumangga ito sa PLA Navy ship 164.
Nasa Bajo de Masinloc noon ang BRP Teresa Magbanua at BRP Suluan para sa programang ‘Kadiwa Para sa Bagong Bayaning Mangingisda,’ kung saan in-escort nila ang 35 bangkang pangisda ng mga Pilipinong mangingisda sa lugar.
Dahil sa impact, nagtamo ng matinding pinsala ang unahang bahagi (forecastle) ng CCG vessel at idineklarang hindi na ito kayang maglayag.
Agad namang nag-alok ang PCG ng tulong sa CCG, kabilang ang rescue para sa posibleng man-overboard at medikal na atensyon sa sinumang nasugatan.
- Latest
















