‘R7 Bloc’, binuo ng Cebu lawmakers
MANILA, Philippines — Nagsanib puwersa ang ilang kilalang kongresista mula sa lalawigan ng Cebu para buuin ang tinatawag na R7 Bloc isang makabago at independiyenteng grupo na layuning itaguyod ang inclusive na pag-unlad, maayos na serbisyo, at tapat na pamamahala para sa mga Cebuanos.
Bumubuo sa R7 Bloc ang apat na kilalang kinatawan ng distrito sa Cebu Cong. Emmarie “Lolypop” Ouano-Dizon, Cong. Patricia Calderon, Cong. Edsel Galeos, at Cong. Rhea Gullas sa sama-samang nangako na isasantabi ang politika para pagtuunan ang tunay na serbisyo at kaunlaran ng lalawigan.
Ayon sa mga miyembro, ang R7 Bloc ay hindi pampulitikang makinarya kundi isang plataporma para sa pagkakaisa, palitan ng kaalaman, at pagtutulungan sa mga isyung tulad ng kalusugan, agrikultura, turismo, at trabaho para sa mamamayan.
“Hindi ito grupo para sa kapangyarihan ito’y isang kilusan ng integridad, pananagutan, at tunay na hangaring magsilbi,” ayon sa isa sa mga miyembro ng bloc.
May matibay na suporta rin ang R7 Bloc mula sa iba pang kilalang personalidad sa Cebu tulad nina dating Cong. Peter Calderon, Talisay City Mayor Samsam Gullas, at Mandaue City political stalwart Nixon ‘Jojo’ Ouano Dizon isang respetadong lider sa lungsod na matagal nang aktibo sa lokal na pamahalaan.
Bagama’t nakatuon muna ang grupo sa mga isyu sa loob ng lalawigan ng Cebu, ang pangalan nitong R7 Bloc a hango sa Region VII ay senyales ng mas malawak na layunin sa hinaharap: ang magtatag ng mas pinalawak na regional alliance sa buong Central Visayas.
Sa harap ng kasalukuyang pagbabago sa pamahalaang panlalawigan, nagsisilbing stabilizing force ang R7 Bloc nagbibigay ng direksyon, suporta sa makabuluhang programa, at panawagan para sa tapat at makataong pamumuno.
- Latest















