Buong puwersa ng EPD-DSOU, sinibak
Sa maanomalyang pag-aresto sa 2 Chinese
MANILA, Philippines — Dahil sa umano’y pagtangay sa milyong halaga ng alahas at pera sa dalawang Chinese national sa Las Piñas City noong Miyerkules ay sinibak na ng pamunuan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang 31 buong puwersa ng District Special Operation Unit ng Eastern Police District (EPD-DSOU).
Ayon kay NCRPO Chief Police Major General Anthony Aberin, kabilang sa nasibak ang dalawang opisyal ng EPD-DSOU na ngayon ay isinasailalim sa imbestigasyon.
Mayroon ng walong pulis ay nauna nang nasa restrictive custody ng EPD kung saan tinanggalan na ng service firearms at kinumpiska na ang ID at police badge na direktang may partisipasyon sa pagpasok at pagsisilbi ng maling warrant of arrest sa dalawang Chinese.
Sa akusasyon, binuksan umano ng mga operatiba ang vault at tinangay ang US$430,000 o tinatayang P24 milyon at 110,000 Malaysian ringgit na katumbas ng P1.4 million; luxury bags, watches, jewelry, gold bars at smartphones, ayon sa ulat.
Sa ngayon ay inihahanda na ang patung-patong na kasong kriminal at administratibo laban sa mga sangkot na pulis na karamihan ay pawang mga patrolman at pinakamataas na ranggo ay Police Staff Sgt. Isa rin sa tinitignan ni Aberin ay kung may mga dati ng kaso ang mga sangkot na pulis.
- Latest

















