Sundalo na nakatalaga sa intel, itinumba
MANILA, Philippines — Isang sundalo ang nasawi nang malapitang barilin sa ulo ng hindi pa kilalang suspek na pinaghihinalaang miyembro ng rebeldeng New People’s Army (NPA) sa kahabaan ng Timberland Ave., Barangay Malanday, San Mateo, Rizal, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang nasawing biktima na si CPL Christian Bataller Tapia, 30, ng Philippine Army, nakatalaga sa Intel Operative ng 80 Infantry Brigade (IB) at residente ng Saint Joseph St., Sampaloc, Tanay, Rizal.
Sa ulat ng San Mateo Municipal Police Station,bago ang insidente, alas-10:00 ng umaga ay lulan ng kanyang kulay gray na Raider 150 motorcycle ang biktima nang pumasok sa gate (Base 2) ng Timberland Heights.
Maya-maya ay nakarinig na lang umano ng putok ng baril ang testigong si Federico Silloga Jr., na OIC Security Guard ng Steelhawk Security Agency, kaya’t kaagad na inalam ang pinagmulan nito.
Dito na niya nadiskubre ang bangkay ng biktima na duguang nakahandusay sa kalsada at may tama ng bala sa ulo kaya’t inireport sa mga otoridad.
- Latest