Vietnamese arestado sa pagbebenta ng droga
MANILA, Philippines — Isang Vietnamese national ang naaresto ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) Dangerous Drugs Division sa isang buy bust operation sa Pasay City, kamakalawa ng gabi.
Ayon kay NBI Director Jaime Santiago na inaresto ang suspek na si Van Dai Do, alyas “Zhilong” nang makumpirma ang ginagawang pagbebenta ng bawal na gamot tulad ng Ketamine at Ecstacy sa Pasay City.
Sa pamamagitan ng impormante, nag-order ito ng Ketamine at Ecstasy sa suspek sa pamamagitan ng online banking payment sa isang bangko sa Vietnam.
Matapos ang bayaran, nagkita ang suspek at impormante sa isang convenience store sa ground floor ng isang condominium sa Pasay City kung saan nakatira ang suspek.
Nang makuha ang illegal drugs ay agad namang hinuli ng mga operatiba ng NBI ang suspek.
Nang tanungin ng NBI ang suspek sa passport nito, sinabing ito ay nasa kanyang unit at nang isama ang mga operatiba sa tirahan nito ay dito ay nakita ang limang Vietnamese nationals na nagsasaya.
Habang hinihintay na maipakita ng suspek ang kanyang passport sa mga operatiba ay nakakita ang mga ito ng marijuana na nakasilid sa isang transparent jar na nasa loob ng kuwarto ng suspek.
- Latest