Sa ‘Wattah Wattah’ festival sa San Juan lalaki rumesbak ng asido sa nambuhos ng tubig
MANILA, Philippines — Sa kulungan bumagsak ang isang lalaki nang sabuyan niya ng muriatic acid bilang resbak sa isang lalaki na nambuhos sa kanya ng tubig sa kasagsagan ng pagdiriwang ng “Wattah Wattah” festival noong Lunes sa San Juan City.
Sinampahan ng kasong physical injury ang suspek na si Bonifacio Serrano Jr., 33-anyos ng biktimang si Alexander Severo, 30, na nasabuyan ang mata ng asido.
Ayon sa mga imbestidor ng San Juan police na ang insidente ay naganap sa pagitan ng alas-9:30 ng umaga sa kanto ng Aurora Boulevard at S. Veloso Sts, Brgy. Salapan.
Sa pahayag ni Serrano, residente ng Barangay Cupang, Antipolo City, Rizal na siya ay papasok sa trabaho ng umagang iyon nang si Severo at mga kasama nito ay binuhusan siya ng tubig.
Sa galit ng suspek dahil sa nabasa siya ay inilabas nito sa kanyang bag ang bote ng muriatic acid at isinaboy kay Severo na tinamaan sa mata.
Tumakbo si Severo at humingi ng tulong at nagkataon na may pulis sa lugar na nagbibigay ng seguridad sa festival at inaresto si Serrano.
Mabilis na dinala sa San Juan Medical Center si Severo habang si Serrano ay dinala sa pulisya at ikinulong.
Ang Wattah Wattah festival ay taunang pagdiriwang bilang paggunita sa patron saint ng San Juan na si St. John the Baptist.
Subalit ang nasabing pagdiriwang ay hindi nagustuhan ng publiko sa asal ng mga residente ng San Juan na kung saan ay makikita sa video ang pagsaboy ng tubig sa mga commutters at motorist na nagdaraan.
May mga pagkakataon pa na umaakyat sa sasakyan at hinaharang ng mga nambabasa. May isa pang video na isang motorcycle rider ang sinuntok ng isang lalaki matapos na komprontahin ang isang minor na nambuhos sa kanya ng tubig.
- Latest