Eddie Garcia law pinirmahan ni Marcos
MANILA, Philippines — Ganap nang batas ang Eddie Garcia law o ang Republic Act 11996 na naglalayong proteksyon at masiguro ang kapakanan ng mga manggagawa sa industriya ng pelikula at telebisyon.
Ang batas ay pinirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong May 24 na nag-ugat sa pagkamatay ng beteranong aktor na si Eddie Garcia.
Sa ilalim ng batas, lahat ng mga manggagawa ay dapat na protektado ng kanilang employers o principal sa kanilang lugar na pinaglilingkuran at dapat na magpatupad ng work hours, sweldo at mga benepisyo, social security at welfare benefits, pangunahing pangangailangan, health and safety working conditions at insurance.
Ang proteksyon ng mga manggagawa sa telebisyon at pelikula ay dapat naaayon sa Labor Code of the Philippines at sa Occupational Safety and Health Standards at magtakda ng penalty sa mga paglabag.
Ang bagong batas ay nabuo dahil sa bigat ng aksidenteng nagresulta sa pagkamatay ni Eddie Garcia habang nasa shooting kaya inaatasan ng batas ang worker at employer o principal na pumirma ng kasunduan o employment contract bago gawin ang trabaho.
Ang mga lalabag sa batas ay pagmumultahin ng hanggang P100,000 sa unang offense, P200,000 sa ikalawang paglabag at hanggang kalahating milyong piso sa ikatlo at susunod na mga paglabag.
Kung ang batas ay nilabag ng kumpanya, partnership o asosasyon at iba pang entity, ang multa ay ipapataw sa mga opisyal ng kumpanya gaya ng executive producer, producer, production manager at business unit manager.
- Latest