Inmate inoperahan sa itinagong cellphone sa puwet
MANILA, Philippines — Isang preso o person deprived of liberty (PDL) ang umano ay naoperahan sa puwet dahil sa umano ay pagtatago ng cellphone na may kasamang charger.
Ito ang ibinunyag ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Catapang Jr. na ang isang PDL ay isinailalim sa emergency surgery nang hindi mailabas ang itinagong cellphone sa loob ng tatlong araw na itinago sa puwet.
“Kaya nga nung minsan po.. nag-farming.. may nag-abot sa kaniya ng cellphone sa mismong PDL po, itinago sa anus, tatlong araw na ‘di mailabas ‘yung cellphone, inoperahan na po kasi makakamatay ‘yun,” ani Catapang.
Ang panayam kay Catapang ay kaugnay sa reklamong inihain ng dalawang maybahay ng political prisoners sa Commission on Human Rights (CHR), na agad na ring sinibak sa pwesto ang pitong tauhan ng BuCor upang bigyang-daan ang isinasagawa nilang imbestigasyon.
Aniya, nangyayari ang pagpasok ng mga kontrabando kabilang din ang iligal na droga, sa pagbisita at kadalasang sa conjugal visit.
“Maniwala ka man o hindi, ang tabako, mga cell phone, mga charger, at maging ang mga hearing aid ay naipuslit. Ito ay nangyayari sa mga pagbisita sa conjugal, kung saan nagaganap ang mga palitan,” sabi ni Catapang.
“Bago sila magsama, siyempre, tinatanggal nila. Kung hindi, maaari itong pumunta sa loob habang nakikipagtalik. Kaya tinatanggal nila kapag conjugal visits,” paliwanag ni Catapang.
Karaniwan, ani Catapang, na ang mga babaeng dalaw ay nahuhulihan sa mga strip at cavity search na isinasagawa ng random at umabot na sa 19 ang insidente na nakasamsam ng kontrabando sa “genital parts” at 15 insidente ng pagkumpiska ng iligal na droga at iba pang kontrabando tulad ng itinatahi sa loob ng kasuotan.
Ito aniya, ang dahilan kaya nais niyang magkaroon ang BuCor ng body scanner na makikita ng lahat ng itinago sa katawan nang walang body contact.
- Latest