80 bisita sa kasal nalason sa ginataang manok
MANILA, Philippines — Nasa 80 mga bisita sa kasal na karamihan ay miyembro umano ng ethnic Teduray indigenous community ang isinugod sa ospital matapos sakitan ng tiyan dahil sa pagkain ng ginataang manok sa Maguindanao del Sur.
Ayon kay Dr. Mohammad Ariff Baguindali, hepe ng Integrated Provincial Health Office of Maguindanao, agad na rumesponde ang rescue teams at health officials mula Rural Health Unit Hospital sa South Upi, Maguindanao del Sur at Datu Blah Sinsuat District Hospital sa Upi, Maguindanao del Norte sa mga indibiduwal na pinaniniwalaang biktima ng food poisoning sa Barangay Pandan, South Upi, Maguindanao del Sur.
Nasa RHU South Upi ang 65 habang nasa Batu Blah Hospital naman ang 15 iba pa.
Nabatid kay South Upi Mayor Reynalbert Insular na batay sa report na kanyang tinanggap, matapos na makakain ng ginataang manok ang mga dumalo sa kasal ay biglang nakaramdam ng pananakit ng tiyan at pagsusuka.
Hinala naman ng otoridad na posibleng dahil sa mainit na panahon ay napanis na ang ginataang manok na inihanda sa kasal dahilan upang sumakit ang tiyan ng mga bisitang kumain nito. - Joy Cantos
- Latest