PNP muling kinalampag sa pagtugis kay Quiboloy
MANILA, Philippines — “Pabilisin ang pagdakip kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy.”
Ito ang ginawang pagkalampag ni Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros sa Philippine National Police (PNP) matapos matuklasan na may posibilidad na “failure of intelligence” sa bahagi ng PNP kaya hindi madakip ang lider.
Muling iginiit ng senador kay bagong PNP chief Rommel Francisco Marbil na arestuhin kaagad si Quiboloy, na nahaharap sa kanyang pagkakasangkot sa pang-aabusong seksuwal, human trafficking, at labor violations.
Kasabay nito, muling hiniling ni Hontiveros sa PNP na kanselahin ang lahat ng lisensiya ni Quiboloy sa armas kabilang ang kasabwat nito sa nabanggit na krimen.
Ipinanawagan ni Hontiveros ang pagkansela ng lisensiya sa baril ng lider matapos kumalat sa social media ang video at litrato ni Quiboloy at private army na naging viral.
- Latest