P9 bilyong kulang sa 4Ps budget tutugunan sa panukalang supplemental budget
MANILA, Philippines — Upang mapunan ang P9 bilyon kakulangan sa pondo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ay isang panukalang supplemental budget ang ipinasa sa Kamara.
Nagpahayag ng suporta si House Assistant Majority Leader at Ako Bicol Partylist Rep. Raul Angelo “Jil” Bongalon sa nasabing panukala dahil ang kakulangan ay resulta ng ginawang pagbawas ni Senator Imee Marcos sa pondo ng programa noong 2023 na nagkakahalaga ng P13 bilyon na inilipat sa ibang programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ang panukala ay isinusulong ni Deputy Speaker at Quezon Rep. David “Jay-jay” Suarez upang punan ang kakulangan ng pondo para sa nalalabing 843,000 pamilya o tinatayang 4 milyong Pilipino na hindi pa nabibigyan ng ayuda sa ilalim ng programa.
Nauna ng inakusahan ni Bongalon si Sen. Marcos na naglipat ng P13 bilyon pondo mula sa 4Ps sa ilalim ng 2023 national budget, bilang dating pinuno ng Senate Finance sub-committee na nangangasiwa sa pondo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Binigyan-diin ni Bongalon na kung magkakaroon ng agwat ang pagbibigay ng ayuda sa mga benepisyaryo ng 4Ps ay maaapektuhan ang layunin ng batas na mabawasan ang bilang ng mga mahihirap sa bansa. Ang 4Ps ay hindi isang ordinaryong programa ng DSWD kundi saklaw ito ng Republic Act (RA) No. 11310 o ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) Act na ang layunin ay mabawasan ang kahirapan sa bansa.
- Latest