Rambol sa Pista ng Sto. Niño, 5 sugatan
MANILA, Philippines — Nasugatan ang limang indibidwal nang sumiklab ang rambol na inumpisahan umano ng mga dayo sa kasagsagan ng pagdiriwang ng kapistahan ng Sto. Niño sa Tondo, nitong Linggo ng gabi.
Sa nakalap na impormasyon, ang insidente ay naganap, alas-11:00 ng gabi sa Barangay 38 sa Tondo.
Isang pamilya ang pinag-initan at may mga ilang opisyal din ng barangay ang sugatan.
Unang sinabi ng isang Michelle Baron na nag-iinuman sila ng mga kapwa niya babae sa tapat ng kanilang bahay nang isa sa kanilang kainumang babae ang natumba dahil sa kalasingan.
Iginilid umano nila ang kasama sa kalsada saka sinabihan na umuwi na.
Tiyempong napadaan umano ang dalawang lalaki na dayo sa lugar sakay ng isang motorsiklo.
Bumuwelta ito at saka kinompronta si Michelle kung sino ang minumura at pinauuwi. Nangatwiran naman siya na ang kainuman ang pinagsasabihan.
Umalis ang nakamotorsiklo ngunit muling bumalik na may mga kasama at dito na nag-umpisa ang rambol nang magkanya-kanyang dampot ng bote ng alak at magpalitan ng batuhan.
Kabilang sa tinamaan ng bote si Michelle at ang kaniyang mister na si Eladio.
- Latest