Job applicants sa Taguig City, exempted na sa mayor’s permit
MANILA, Philippines — Isang ordinansa ang inaprubahan ni Taguig City Mayor Lani Cayetano na nag-aatas na hindi na kailangan pang magsumite ng Mayor’s permit o clearance ang mga job applicants sa lungsod.
Nabatid na ang mayor’s permit/clearance ay dati nang kabilang sa requirements na hinihingi ng employer sa mga aplikante na nagnanais na maging empleyado ng pribadong kumpanya sa Taguig.
Batay sa Ordinance No. 109 na naipasa noong Disyembre 18, 2023 ng Sangguniang Panlungsod ng Taguig, ang empleyado, kabilang ang self- employed, na nais magtrabaho o magpraktis ng kanilang propesyon ay hindi na kinakailangang kumuha ng Mayor’s permit/clearance.
Binabago ng ordinansang ito ang isang probisyon sa Taguig Tax Revenue Code sa pamamagitan ng pagdaragdag ng mga exempted na indibidwal upang mapagaan ang pasanin sa kanila habang sila ay nagtatrabaho.
Ang ordinansa ay nakakatipid sa mga naghahanap ng trabaho hindi lamang sa oras kundi sa mga karagdagang gastos.
- Latest