Pagbebenta ng paputok online, bawal - PNP
MANILA, Philippines — Nagbabala ang Philippine National Police (PNP) sa netizens na iwasan ang pagbili ng mga firecrackers o paputok dahil ito ay bawal at may peligro sa kalusugan at maging sa ari-arian lalo na ang mga malalakas na uri ng paputok na lubhang mapanganib.
Sinabi ni P/Col. Jay Guillermo, Chief ng PNP Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) Cyber Response Unit na ang mga paputok na binili sa online ay maaaring mag-init at pagmulan ng aksidente sa panahon na idine-deliver ito.
Ginawa ni Guillermo ang pahayag sa gitna na rin ng mga ulat sa talamak na bentahan ng mga paputok sa online at kabilang rin sa mga ibinebentang paputok sa online ay mga gawang China habang ang iba naman ay illegal na iminanupaktura o hindi dumaan sa ‘safety standards’ na posibleng may mga depektibo pa.
Ayon sa opisyal, di tulad ng mga pisikal na tindahan na kumukuha pa ng permits at dumadaan sa masusing inspeksiyon para magbenta ng firecrackers ang mga nagbebenta sa online ay wala ni anumang rekisitos na pinasahan o dinaanan.
Pinayuhan ni Guillermo ang mga nais na bumili ng paputok na pumunta na lamang sa mga pisikal na tindahan at doon bumili sa halip na sa online.
Sa tala ng PNP-ACG, simula Disyembre 19 ay tatlong online sellers na ng mga paputok ang nasakote ng kanilang mga tauhan.
Patuloy naman ang paalala ng opisyal na mas mabuting salubungin ang Bagong Taon ng mapayapa para sa kaligtasan ng sinuman, ng kanilang mga pamilya at maging ng mga tao sa kanilang kapaligiran.
- Latest