Bus nawalan ng preno: 10 sasakyan inararo, 1 dedo 10 katao pa nasugatan
MANILA, Philippines —Dahil sa pagkawala umano ng preno, inararo ng isang pampasaheorng bus ang may 10 sasakyan na ikinasawi ng isang bata at hindi bababa sa 10 katao pa ang sugatan, sa palusong na bahagi ng Mangas-Luksuhin Road sa Brgy Luksuhin Ibaba, Alfonso, Cavite kamakalawa ng gabi.
Ayon kay PStaff Sgt. Boyet Soriano, may hawak ng kaso ng Alfonso Police, isang 9-anyos na batang babae ang nasawi sa insidente habang kritikal ang tatay at nanay nito na pawang sakay sa Mitsubishi Expander kasama ang pamilya na naipit ng isang van na “totally wrecked” at unang nabangga ng pampasaherong bus.
Dinala sa iba’t ibang ospital ang mga sugatan sa aksidente, habang ilan din sa kanila ay out patient na.
Mabilis namang tumakas ang driver ng bus na unang tinukoy ng pulisya sa pangalang Gilbert Sepida matapos ang karambola subalit naaresto rin kalaunan ng mga rumespondeng pulis.
Sa ulat mula kay PMaj. Raymond Balbuena, hepe ng pulisya ng Alfonso, alas-9:20 ng gabi, nagbaba muna ng mga pasahero ang bus na may Body No. 8328 sa Alfonso crossing. Nang muling tumakbo ito sa Brgy Luksuhin Ibaba ay bigla umanong nagloko ang preno dahilan upang mawalan ng kontrol sa manibela ang driver.
Dahil sa bilis ng takbo, sinalpok at inararo ng bus ang may 10 sasakyan na ang dalawa rito ay wasak na wasak kabilang ang sinakyan ng batang nasawi.
Agad na nagtulong-tulong ang mga rescuers gayundin si Alfonso Mayor Randy Salamat na dumating sa lugar upang maitakbo sa pagamutan ang mga biktima.
- Latest