Search ops sa pasahero ng piper plane, patuloy – PAF
MANILA, Philippines — Patuloy ang isinasagawang search and rescue operation sa nawawalang Barangay Health Worker (BHW) employee na lulan ng bumagsak na piper plane sa kabundukan ng Brgy. Casala San Mariano, Isabela.
Ayon kay Col. Ma Consuelo Castillo, spokesperson ng Philippine Air Force (PAF), nag-deploy na rin ang kanilang himpilan ng isang PZl W-3A Sokol at isang Huey II para makatulong sa paghahanap sa BHW employee na lulan ng bumagsak na Piper Cherokee commercial plane RP-C1234.
Aniya, ang bangkay ng piloto ng aircraft na si Captain Levy Abul II na natagpuan sa crash site ay matagumpay na naialis na sa lugar na inilipad ng helicopter ng Tactical Operations Group 2 ng PAF sa Cauyan City, Isabela kamakalawa.
Ayon sa mga opisyal, may posibilidad na buhay pa at nakaligtas ang BHW na si Irma Escalante na tanging pasahero ng aircraft matapos matagpuan ang isang “makeshift shelter” malapit sa crash site kung saan posible umanong naglakad na siya sa kagubatan.
Inihayag pa ni Castillo na dalawang K9 dogs din na may apat na handlers, isang Disaster Action and Response Team (DART) 831 at limang kasapi ng Bureau of Fire Protection ang ipinadala sa lugar para sa ground search and rescue operation.
Magugunita na ang wreckage ng Piper plane ay natagpuan sa Casala, San Mariano, Isabela noong nakalipas na Martes. Ang nasabing eroplano ay nawala matapos itong mag-take off sa Cauayan City Airport noong nakalipas na Nobyembre 30 at patungo sanang Palanan Airport .
- Latest