Pagbabalik ng summer break sa Abril at Mayo pinaboran ng nakakarami
MANILA, Philippines — Walo sa 10 Pilipino ang nagnanais na ibalik sa Abril at Mayo ang summer break.
Ito ay batay sa resulta ng Pulse Asia survey na kinomisyon ni Senador Sherwin Gatchalian na isinagawa noong Hunyo 19-23, 2023.
Tinanong sa naturang survey ang mga kalahok kung sang-ayon sila na ibalik sa Abril at Mayo ang summer break.
Lumabas sa survey na 80% ng mga kalahok ang sumasang-ayon, 11% ang hindi matukoy kung sumasang-ayon sila o hindi, at 8% ang hindi sumasang-ayon.
Suportado ang panukala ng mga Pilipino sa National Capital Region (NCR) (81%), Luzon (73%), Visayas (90%), at Mindanao (86%). Pabor din ang mas nakararami sa Classes ABC (83%), D (81%), at E (75%) sa pagbabalik ng summer break sa Abril at Mayo.
Naghain si Gatchalian ng Proposed Senate Resolution No. 672 upang magsagawa ng pagdinig upang mapag-aralan nang husto kung paano ba itinatakda ang petsa ng pagbubukas ng klase.
Layunin ng pagdinig na tukuyin ang mga hakbang na kinakailangan para sa epektibong pagpapatupad ng Republic Act No. 11480 na pawang batayan ng school calendar.
Inamyendahan ng Republic Act No. 11480 ang Section 3 ng Republic Act No. 7797, kung saan nakasaad na maaaring magsimula ang school year sa unang Lunes ng Hunyo ngunit hindi lalagpas sa huling araw ng Agosto.
Mula 200 na araw, itinakda ng Republic Act No. 7797 na hindi dapat lalagpas sa 220 araw ang school calendar. Nilagdaan ang Republic Act No. 11480 noong Hulyo 17, 2020.
- Latest