Gen. Azurin, ginawaran ng testimonial parade sa PMA
MANILA, Philippines — Ginawaran ng testimonial parade si Philippine National Police (PNP) Chief P/Brig Gen. Rodolfo Azurin Jr., dalawang araw bago ang takdang pagreretiro nito sa serbisyo, sa ginanap na seremonya nitong Sabado sa Philippine Military Academy (PMA) sa Baguio City.
Ang testimonial parade ay bahagi ng tradisyon sa PMA sa mga cavaliers nito na nagtapos na ang pamumuno sa mataas na posisyon sa kani-kanilang serbisyo.
Si Azurin ay nakatakdang magretiro sa Lunes (Abril 24) sa pagdiriwang ng kaniyang ika-56 taong kaarawan, ang mandatory age retirement sa PNP. Ayon kay Azurin, handa na siyang magretiro at kuntento na siya sa narating ng kaniyang police career.
Bago ang paggagawad ng testimonial parade ay sinalubong ni PMA Supt. Lt Gen. Rowen Tolentino ang pagdating ni Azurin sa nasabing akademya nitong Sabado ng umaga.
Si Azurin ay produkto ng PMA “Makatao Class” 1989 at kauna-unahang PNP Chief sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong “ Marcos Jr.
Kaugnay nito, anim na opisyal sa PNP ang pinagpipilian para humalili sa puwestong babakantehin ni Azurin na sina PNP Deputy Chief for Administration Lt. Gen. Rhodel Sermonia at Lt. Gen. Michael John Dubria, chief of the Directorial Staff; Major Gen. Eliseo Cruz, director ng Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM); PNO Deputy Chief of Operations Major Gen. Jonnel Estomo; National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Major Gen. Edgar Alan Okubo at Criminal Investigation and Detection Group Director P/Brig. Gen. Romeo Caramat Jr.
- Latest