Banyaga, misis na inaresto sa pagpatay sa kapatid ng mayor, itinumba
Pagkatapos palayain sa kulungan…
MANILA, Philippines — Isang banyaga at misis nito na umano ay sangkot sa pagpatay sa kapatid ng mayor ng Valencia, Negros Oriental ang pinagbabaril ilang oras matapos na sila ay palayain sa kustodiya ng pulisya.
Kinilala ang mga nasawing biktima na sina Tim Moerch, 45, isang Danish national at misis nitong si Karen Katen, na pinagbabaril ng hindi pa kilalang mga suspek sa Barangay Balugo, pasado alas-10:45 ng gabi, ayon sa pulisya.
Nabatid na ang mag-asawa ay kalalabas lang sa kulungan at pauwi na ng kanilang bahay nang sila ay pagbabarilin ng mga suspek.
Ang mag-asawa ay pinalaya ng korte noong Miyerkules dahil sa “technicalities.”
Natagpuan ang bangkay ni Moerch sa tabi ng kanyang motorsiklo habang ang kanyang misis ay natagpuan ilang metro ang layo na nakahandusay sa kalsada na kapwa nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan.
Nabatid na si Moerch, kanyang misis, at isang John Edward Remollo ay inaresto nang isangkot sila bilang suspek sa pagpatay kay Don Paulo Teves, kapatid ni Valencia Mayor Edgar Teves Jr.
Lumalabas sa imbestigasyon na huling nakitang buhay si Teves kasama si Moerch at iba pang suspek sa inuupahang bahay ng una sa Barangay West Balabag, bago ito natagpuang patay.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya na kung may kaugnayan ang pagpatay sa mag-asawa sa pagkakasangkot nila sa Teves’ killing.
- Latest