BI binalaan ang mga dayuhan na nagkukunwaring Pinoy
MANILA, Philippines — Upang makaiwas na mahuli dahil sa pagiging “overstaying” at masasampahan ng mga karagdagang kaso ay nagbabala kahapon ang Bureau of Immigration (BI) sa mga dayuhan na nagpapanggap na mga Pinoy.
Ang babalang ito ng BI ay makaraang dalawang dayuhan na isang Hong Kong-Canadian national at isang Chinese national ang naitala ng BI-Travel Control and Enforcement Unit na nagpanggap na mga Pilipino.
Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco, nadakip noong Enero 17 sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 ang 35-taong gulang na si Nong Thi Luyen, na nagtangkang magtungo sa Vietnam.
Nagpakita ng Philippine passport na may pangalang Pilipino si Nong, ngunit nang tanungin siya ng mga simpleng tanong ay wala siyang maisagot kaya naghinala ang mga tauhan ng immigration.
“Umamin rin siya kinalaunan na isa siyang Vietnamese citizen and halos dalawang dekada na siya sa bansa. Lumalabas na gusto lang niyang makaiwas sa ‘overstaying penalties’ kaya nagpanggap siya,” ayon kay Tansingco.
Noong Enero 23, nadakip naman sa NAIA Terminal 1 si Hailan Zhang, 36, isang Chinese national, makaraang magtangkang umalis ng bansa patungo sa Hanoi na nagpakita rin ng Philippine passport at nagpanggap na isang negosyanteng Pilipino.Nagkabuhul-buhol naman ang mga pahayag niya kaya nabuko ang kaniyang pagpapanggap.
Ang dalawang dayuhan ay sinampahan na ng kasong paglabag sa Philippine Immigration Act at nakaditine sa BI warden facility sa Taguig City Jail.
- Latest