SIM card registration arangkada na
MANILA, Philippines — Aarangkada na simula ngayong araw ang registration ng mga gumagamit ng subscriber identification module o SIM sa kanilang mobile phone o laptop.
Ayon sa National Telecommunications Commission (NTC), nagsabi na ang mga telcos na handa na sila sa full implementation para sa SIM registration at ipatutupad na ang kanilang implementing rules and regulations (IRR) ngayong Martes December 27 para dito.
Anya, para sa registration concerns, ang mga users ng DITO Telecommunity Corp. Ay maaaring magrehistro sa https://dito.ph/registerDITO, ang users ng Globe Telecom Inc. ay https://new.globe.com.ph/simreg at ang users ng Smart ay maaaring magrehistro sa https://smart.com.ph/simreg.
Ito ay alinsunod sa Republic Act 11934, o ang SIM Registration Act, kailangang irehistro ng mga subscriber ang kanilang SIM sa loob ng 180 araw o 6 na buwan kung ayaw nilang ma-deactivate mula sa kani-kanilang service provider.
Tiniyak ng gobyerno na protektado ang mga pribadong impormasyon ng subscriber sa SIM card registration law.
Ginawa ang nasabing batas upang masubaybayan ng mga otoridad ang mga indibidwal na gustong magsamantala sa mga customers, isa rito ay ang identity theft.
Nagpaalala naman si 2nd District Camarines Sur Rep. Luis Raymund “LRay” Villafuerte sa 150 milyong cellphone owner phone owners na iparehistro ang kanilang mga cellphone numbers upang maiwasan ang otomatikong pagka-deactivate.
Ang proseso ng pagpaparehistro ay nangangailangan ng impormasyon, kabilang ang buong pangalan, petsa ng kapanganakan, kasarian, address at valid government ID o mga katulad na dokumento na may larawan, habang ang mga business user ay dapat magbigay ng kanilang pangalan ng negosyo address ng negosyo at buong pangalan ng isang authorized signatory. - Joy Cantos
- Latest