Pinsala ni ‘Paeng’ pumalo na sa P6.8 bilyon, patay nasa 155 katao
MANILA, Philippines — Umaabot na sa P6.8 bilyon ang iniwang pinsala ng bagyong Paeng sa agrikultura at imprastraktura habang pumalo na sa 155 katao ang naitalang death toll matapos na isa pang bangkay ang narekober, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Sabado ng hapon. Nairekord ng NDRRMC na P6.8 bilyon ang napinsala sa mga pananim gayundin sa imprastraktura dulot ng flashfloods at landslides.
Sa huling ulat naman ng Department of Agriculture (DA), nasa P3.16-bilyong halaga na ng agrikultura ang kanilang huling naitala sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Paeng.
Ayon sa DA, may nakalaan na P400 milyong pondo para sa Survival and Recovery (SURE) Loan Program ng Agricultural Credit Policy Council (ACPC) kung saan maaaring mag-loan ang mga magsasaka na naapektuhan ng bagyo hanggang P25,000 at maaaring bayaran ito ng hanggang tatlong taon na walang interes.
Base sa pinakahuling report ng NDRRMC, 121 ang kumpirmadong nasawi habang 34 pa ang patuloy na isinasailalim sa beripikasyon ang pagkamatay.
Nabatid ng isa pang nadagdag sa death toll ay naiulat mula sa CALABARZON o Region IV A.
Ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang nakapagtala ng pinakamaraming nasawi sa landslide at flashflood na umaabot sa 63 katao.
Nasa 4,230,460 katao naman ang naapektuhan ng bagyong Paeng matapos itong manalasa sa halos buong panig ng bansa kabilang dito ay ang nasa 111,910 katao na nanuluyan sa mga evacuation centers at 904,528 naman ang nanuluyan sa kanilang mga kamag-anak at kaibigan sa mga ligtas na lugar. – Angie dela Cruz
- Latest