151 patay sa Halloween stampede sa South Korea
Walang Pinoy na nasugatan - DFA
MANILA, Philippines — Inihayag kahapon ng Department of Migrant Workers(DMWs) na walang naiulat na Pinoy na nasugatan o nasawi sa naganap na Halloween stampede sa Seoul, South Korea noong Sabado ng gabi.
“Per our labor attaché, no reports of OFWs hurt as of this time but they are still monitoring the situation,” ani Migrant Workers Secretary Susan Ople.
Sinabi rin kahapon ng Department of Foreign Affairs (DFA) na hindi pa sila nakakatanggap ng ulat kung may Pinoy ang naging biktima sa nasabing stampede.
Sa pinakahuling ulat, hindi bababa sa 151 katao ang namatay at tinatayang mahigit sa 150 naman ang nasugatan nang maganap ang stampede sa malaking pulutong ng mga dumalo na nagsiksikan at nagkatulakan sa isang eskinita, sa bahagi ng Itaewon District ng Seoul.
Sa ulat ng Reuters, ipinapakita sa social media footage ang daan-daang mga tao na nagkukumpulan sa isang makitid na slope o pataas na bahagi ay nadaganan at hindi na makakilos habang hinihila ng emergency officials at mga pulis.
Marami sa sugatan ang nasa malubhang kondisyon habang binibigyan ng paunang lunas.
Kabilang din ang foreign nationals na dinala sa kalapit na pagamutan.
“The Embassy is closely monitoring the situation and is in coordination with local authorities in case any Filipino national has been affected,” ayon sa DFA.
Mula sa Philippine Embassy sa Seoul, sinabi ng DFA dalawang foreign nationals ang naiulat na nasawi habang 15 iba pang dayuhan ang nasugatan.
Nagdeklara na rin ng national mourning ang Pangulo ng South Korea na si Yoon Suk-yeol at nagpahayag ng pakikiramay sa mga biktima, ayon sa ulat ng Reuters.
Sa ulat pa rin ng Reuters, karamihan sa mga namatay ay teenagers at young adults na nasa 20s. Naganap ang trahedya dakong alas-10:20 ng gabi ng Oktubre 30, 2022.
Nabatid na mistulang nasabik sa nasabing okasyon ang mga tao dahil hindi muna nagkaroon ng katulad na event sa nakalipas na 3 taon sanhi ng mga restrictions kaugnay sa COVID-19 pandemic.
- Latest