Ateneo gunman, isang pugante at may 8 arrest warrant
MANILA, Philippines — Isang pugante ang doktor na namaril sa Ateneo de Manila University noong Linggo ng hapon na ikinasawi nina dating Lamitan City mayor Rose Furigay, security aide niya na si Victor Capistrano at ang rumespondeng guwardiya na si Jeneven Bandiala.
Ayon kay Atty. Quirino Esguerra, tagapagsalita ng pamilya Furigay na ang gunman na si Dr. Chao Tiao Yumol, 38, ay matagal nang nagtatago sa batas simula pa noong Enero 2021 dahil sa mga kasong cyberlibel.
“Kami po ay nagtataka bakit hindi ito nahuli. Meron po siyang 8 warrants of arrest — 7 sa cyberlibel cases, 1 case dun sa indirect contempt,” dagdag pa ni Esguerra.
Nabatid na si Yumol ay sinampahan ng ilang cyberlibel complaints matapos na akusahan ang pamilya Furigay sa isang video sa Facebook na sangkot sa illegal drug trade sa Lamitan.
Isinagawa aniya ni Yumol ang akusasyon laban sa pamilya matapos na ipag-utos ng lokal na pamahalaan ang pagpapasara sa kanyang infirmary clinic, na nasa tapat lamang ng city hall, dahil sa kawalan ng permit to operate mula sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Inatasan pa umano ng city council at ni Furigay, na noon ay alkalde pa, si Yumol na magpaliwanag hinggil sa nagawang paglabag ngunit sa halip na gawin ito ay nagpaskil na lamang ng malisyosong FB post.
Binigyang-diin rin ni Esguerra na walang katotohanan at walang basehan ang mga akusasyon ng suspek laban sa pamilya Furigay.
Related video:
- Latest