Pharmally official na nakapiit pinayagang makalabas
MANILA, Philippines — Pansamantalang pinayagan na makalabas sa Pasay City Jail si Pharmally Pharmaceutical Corporation director Linconn Ong dahil sa kahilingan nitong mabisita ang anak na tinamaan ng sakit na dengue.
Ayon kay Senador Richard Gordon, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, pinayagan nitong makalabas sa kulungan si Ong matapos na lumiham sa komite ang asawa nitong si Summer noong Pebrero 14 na umaapela para palayain pansamantala ang kanyang asawa.
Ayon pa sa Senador, si Ong ay pinayagan na bisitahin ang kanyang anak sa ospital sa limitadong oras lamang kada araw sa mga petsang itatakda ng komite at sasamahan siya ng Senate Sergeant at Arms at mga jail officers ng Pasay.
Inihayag pa ni Gordon na naghain ang abogado ni Ong ng motion for release o house arrest na kanyang isinangguni sa mga kasamahan sa komite.
Si Ong ay nakapiit matapos na ipa-contempt ng Senado dahil sa hindi umano nakipagtulungan sa imbestigasyon tungkol sa naging partisipasyon nito sa kontrobersiya sa kontratang pinasok ng Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM) sa Pharmally.
- Latest