‘Di nagpapatupad ng health protocols pasaway na negosyo ipapasara ng DILG
MANILA, Philippines — Kung paulit-ulit ang mga paglabag sa mga ipinatutupad na health protocols ay sinabi ni Interior Undersecretary at spokesperson Jonathan Malaya na ipasasara nila ang mga establisimyento.
Ayon kay Malaya, maaaring mapawalang-bisa ang safety seals at masuspinde ang business permit ng mga establisimyentong hindi tatalima sa health at safety protocols.
Ang safety seal program ay isang inter-agency initiative ng DILG, Department of Health, Department of Trade and Industry, Department of Labor and Employment, at Department of Tourism.
Aniya, kapag ang isang establisimyento ay may “repeated violations” sa gitna ng banta ng COVID-19, hindi sila magdadalawang isip na ipasara ito dahil nagdudulot lamang ito ng pangamba sa publiko.
Nakarating sa kaalaman ng DILG ang mga paglabag sa operational capacity limit at pagkabigo na magpatupad ng fully vaccinated requirement sa loob ng mga establisimyento gaya ng restaurants, amusement parks, recreational venues, fitness studios, at gyms, at iba pa.
Nabatid kay Malaya na personal niyang naobserbahan ang kawalan ng paggalang ng mga establisimyento sa minimum public health standards at iba pang guidelines sa ilalim ng alert level system.
“Many restaurants and indoor establishments are not checking the vaccination status of their customers and are violating the 50 percent operational capacity for indoor establishments and 70 percent operational capacity of outdoor establishments,” ani Malaya.
- Latest