Galing Pook Award, naibuslo ng Quezon City
MANILA, Philippines — Naibuslo ng Quezon City government ang Galing Pook award dahil sa kanilang multi-sectoral and community-based food security initiative na tinawag na GrowQC: Kasama ka sa Pag-unlad sa Pagkain, Kabuhayan, at Kalusugan Food Security Program ngayong taon.
“Sa ngalan po ng mga mamamayan ng Lungsod Quezon lalung-lalo na sa ating urban farmers, kami po ay nagpapasalamat sa pagkilala sa aming programa na ipinanganak lamang sa panahon ng pandemya upang makapagbigay kami ng masustansyang pagkain nang hindi umaasa lamang sa mga de lata at pagkain na ipinamimigay,” pahayag ni QC Mayor Joy Belmonte.
Nakopo ng programa ang United Nations Sustainable Development Goals (SDG) #2 – Zero Hunger, SDG#3 – Good Health & Well-being, SDG#8 – Decent Work & Economic Growth, and SDG#17 – Partnership para sa Sustainable Development Goals.
“This program is a testament that we can be self-reliant even if we are in a highly-urbanized city. Ang GrowQC ay hindi lamang urban farming, tinitingnan din nito ang mas magandang pagdaloy ng pagkain,” sabi ni Belmonte.
Bahagi ng improved Food Systems ay ang paglikha sa community-level food hubs at markets na pinapayagan ang mga agricultural raw materials na maging available at dagdag pagkukunan ng pagkakakitaan.
Ang dalawang iba pang programa ng QC na nasa top 22 finalists ng Galing Pook awards ay ang Quezon City Human Milk Bank (QCHMB) na nagkakaloob ng fresh milk sa mga bagong panganak na sanggol para mabuhay at ang isa ay ang Kabahagi Center for Children with Disabilities na tumutulong sa mahihirap na kabataang may kapansanan at kanilang mga pamilya.
Pinasalamatan naman ni Belmonte ang lahat ng mga empleyado ng QC government dahil sa mahusay na pagtatrabaho para maging tagumpay ang naturang mga programa sa lungsod.
- Latest